“Ang sumasampalataya at mabautismuhan
ay maliligtas. Ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. Ang mga
sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan
ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika, sila’y
hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason at gagaling ang mga
maysakit na mapatungan ng kanilang mga kamay.” - Marcos 16:16-18
Ang sulat na ito ni San Marcos na
mababasa natin sa Marcos 16:16-18 ay isang hamon sa lahat ng mga kristiyanong
nagsasabing sila ay sumasamplataya sa Diyos at umaakong nasa kanila daw ang
kaligtasang ipinangako ni Jesu-Cristo. Ang sulat na ito pilit na iniiwasan ng
napakaraming sekta ng relihiyong kristiyanismo. Ito’y iniwasan nila dahil sa
kakulangan sa kaalaman at ang mga tanda ng kapangyarihan ay hindi nila kayang
ituro o ipagkaloob sa mga taong kanilang nasasakupan.
Tanungin natin ang ating sarili; “Ako
ba’y sumasampalataya sa Diyos? Ako ba’y nabautismuhan?” Malamang ang isasagot
mo sa mga katanungang ito ay “OO”. Kung ikaw ay tunay na sumasampalataya sa
Diyos at nabautismuhan; ikinagagalak kong ikaw ay isa sa mga ililigtas ng
Panginoon. SUBALIT ayon sa sulat ni San Marcos na ang tunay na sumasampalataya
at nabautismuhan ay DAPAT magtaglay ng limang tanda ng kapangyarihan at ito ay
ang magpapalayas ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika, hindi
maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason at gagaling ang mga maysakit na
mapatungan ng kanilang mga kamay. Ngayon ako naman po ang magtatanong sa iyo;
ang limang tanda ba ng kapangyarihan ay taglay mo?
Paano ba makakamtan ang tunay na
pananampalataya? “Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Maliligtas ang
lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.’ Ngunit paanong tatawagan ng mga
tao ang hindi nila sinasampalatayanan? Paano sila mananampalataya kung wala pa
silang napapakinggan tungkol sa kanya? Paano naman silang makakapakinig kung
walang nangangaral? At paanong makapangangaral ang sinuman kung hindi
siya isinusugo? Ayon sa nasusulat: ‘O kay inam na makitang dumarating ang
mga nagdadala ng mabuting balita!’” - Roma 10:13-15. Dagdag
pa sa 2 Pedro 3:16 ganito naman ang pagkakasulat: “Sa lahat ng sulat
niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalaala. May ilang bahagi
sa kanyang liham na mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga
mangmang at mahihina. Ganyan din ang kanilang ginawa sa ibang Kasulatan, anupat
ipinahahamak nila ang kanilang sarili.” Dagdag pa sa 2 Pedro
1:20-21; ganito naman ang pagkakasulat: “Higit sa lahat,
tandaan ninyo na walang makapagpapaliwanag ng alinmang hula sa Kasulatan sa
bisa ng kanyang sariling kakayahan sapagkat hindi nagbuhat sa kalooban ng tao
ang hula ng mga propeta. Ito’y galing sa Diyos at ipinapahayag ng mga taong
kinasihan ng Espiritu Santo.” Kung
uunawain natin ang mga nakasulat sa nabanggit na mga talata; maliwanag na ang
pangangaral ay hindi maaaring gampanan ng isang tao na gugustuhin niya lamang.
Kinakailangan siya ay sinugo at kinasihan ng Espiritu Santo.
Noong kapanahunan ni Jesu-Cristo,
naimulat na sa mga tao ang paraan ng pananampalataya sa pamumuno ng mga pariseo
at mga saserdote. Ang Lumang Tipan na sinulat ni Moses at mga propeta ang
naging gabay ng pananampalataya. Ito ang mga karunungang na ipinapahayag ng mga
pariseo at saserdote. Ang mga pariseo at saserdote ay nangangaral sa tao;
subalit sinugo nga ba sila ng Diyos para mangaral? Kung tunay nga silang sinugo
ng Diyos para mangaral dapat kinilala nila si Jesus bilang Cristo at Sugo ng
Diyos; at hindi nila dapat ipinako sa krus. Nakalulungkot isipin at unawain na
mismong ang relihiyon noon ang siyang nagpahirap at nagpapako kay Jesu-Cristo.
Dapat nating suriing mabuti ang mga
taong nangangaral sa atin dahil baka katulad sila ng mga pariseo at saserdote
na magmumulat sa atin tungo sa maling pananampalataya sa Diyos. Si Jesu-Cristo
mismo ay nagbabala sa atin na tayo’y mag-ingat sa mga taong nagdadala ng
kaniyang pangalan; ibig sabihin nito’y mga taong nangangaral. Sa aklat ni San
Mateo, mayroong binabanggit si Jesu-Cristo na mga palatandaan ng kaniyang
muling pagparito. Isa sa mga palatandaan ay mababasa sa Mateo 24:4-5 at
ganito ang pagkakasulat: “Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw
ninuman! Sapagkat maraming paririto sa aking pangalan at magsasabi; ‘AKO ANG
MESIYAS’ at marami silang maililigaw.” Dagdag sa pa dito ay
mababasa natin sa Mateo 7:22-23; ganito ang pagkakasulat:“Pagdating ng
huling araw, marami ang magsasabi sa akin: ‘ ‘Panginoon, nangaral po kami at
nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng mga kababalaghan sa
inyong pangalan!’ At sasabihin ko sa kanila, ‘Kailanma’y hindi ko kayo
nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama’.”
Ano ang bautismong magbibigay ng
kaligtasan? Halos lahat ng sekta ng relihiyong kristiyanismo ay nagsasagawa ng
pagbabautismo. Ito ay napakahalaga sa lahat ng tao na naniniwala sa Diyos tungo
sa kaligtasan. Kung sasaliksikin natin ang Banal na Kasulatan; matutunghayan
natin na marami palang uri o klase ng bautismo. Dagdag pa dito; ang
pagbabautismo ay hindi maaaring gampanan ninuman maliban na siya ay inutusan ng
Diyos na magbautismo. Ayon kay Juan Bautista, siya’y sinugo upang
magbautismo; “Hindi ko siya lubos na nakikilala noon, ngunit ang
nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang nagsabi sa akin. Makikita mo ang
Espiritu na bababa at mananatili sa isang tao – siya ang magbabautismo sa
pamamagitan ng Espiritu Santo.” – Juan 1:33.Maliwanag sa mga talatang
nabanggit na mismong ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay nakipag-usap at
nag-utos kay Juan na magbautismo sa tubig. Sa madaling salita si Juan lamang
ang tanging binigyan ng karapatan na gampanan ang ganitong gawain. Sa panahon
natin ngayon, maraming tao na may katungkulan sa relihiyon ang nagsasagawa ng
ganitong pagbabautismo; kaya’t maitatanong natin sa kanila kung sino ang
nagsugo sa kanila para magbautismo sa tubig. Nakausap ba nila ang Diyos at
nag-utos sa kanila na magbautismo sa tubig katulad nang pakikipag-usap ng Diyos
kay Juan?
Sa Aklat ni Mateo ay may binabanggit si
Jesu-Cristo na isang uri ng bautismo; “Kaya, humayo kayo at gawin
ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa ngalan ng Ama
at ng Anak at ng Espiritu Santo.” - Mateo 28:19. Isa pa sa
uri ng bautismo ay ang bautismo sa ngalan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. Maliwanag
sa talatang nabanggit na tanging ang labing dalawang apostol lamang ang
binigyan ng karapatan ni Jesu-Cristo na magbautismo sa ngalan ng Ama, Anak, at
Espiritu Santo.
Sa panahon natin ngayon, kakaiba ang
mga bautismong ating masasaksihan sa bawat sekta ng kristiyanismo. Makikita
natin sa kanila ang isang tao ay bubuhusan o ilulubog sa tubig sabay bigkas
‘ikaw:__________ ay binabautismuhan ko sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng
Espiritu Santo’ o kaya’y ganito naman ang kanilang binabanggit: ‘ikaw:__________
ay binabautismuhan ko sa ngalan ni Jesu-Cristo.’ Kung uunawain natin ang
Kasulatan; maliwanag na sila’y nagsasagawa panibagong URI NG BAUTISMO na
masasabi nating kumbinasyon ng dalawang uri ng bautismo na nakasaad sa
Kasulatan; maliwanag din na sila’y lumalabag sa Kasulatan sapagkat ito’y hindi
utos ng Diyos at sila’y hindi sinugo ng Diyos upang magsagawa ng isang
pagbabautismo.
Isa pang uri ng bautismo ay ang
bautismo sa Espiritu Santo at sa Apoy. Ito ay nakasulat sa Mateo 3:11-12;“Binabautismuhan
ko kayo sa tubig bilang tanda ng pagsisisi ninyo’t pagtalikod sa inyong mga
kasalanan; ngunit ang dumarating na kasunod ko ang magbabautismo sa
inyo sa Espiritu Santo at sa Apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa sa akin,
hindi ako karapat-dapat kahit tagadala ng kanyang panyapak. Hawak niya ang
kalaykay upang alisin dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo, ngunit ang
ipa’y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.” – Mateo 3:11-12, Lucas
3:16-17. Ang bautismong ito ay may tanda ng pagliligtas at
ayon pa kay Juan Bautista na tanging ang Kordero lamang ang siyang may
karapatan na magsagawa nito. Kung sasaliksikin natin ang Kasulatan mula sa
Aklat ni Mateo hanggang sa Aklat ng Pahayag; walang binabanggit na may
nagbautismo sa Espiritu Santo at sa Apoy noong kapanahunan ni
Jesu-Cristo. Mismong ang Aklat ni Juan ay nagpapatunay nito; may
binabanggit dito na si Jesu-Cristo ay hindi nagbabautismo kundi ang kanyang mga
apostol lamang;“Ngunit ang totoo’y hindi si Jesus ang nagbabautismo,
kundi ang kanyang mga alagad.” – Juan 4:2. Ang talatang ito ay
nagpapatunay lang na walang naganap na pagbabautismo sa Espiritu Santo at sa
Apoy noong panahon ni Jesu-Cristo; nangangahulugan lang na ang katuparan
nito ay sa muling pagparito ng Kordero. At pagdating ng Kordero, mayroon siyang
mga taong babautismuhan sa Espiritu Santo at sa Apoy. At ang mga taong ito ay
siyang ililigtas ng Diyos at magtataglay ng limang tanda ng kapangyarihan.
Sila’y matatawag na mga Hinirang ng Diyos.
Kung babasahin natin ang nakasulat sa
Lucas 12:50; mayroong sinasabi si Jesu-Cristo na mayroon pang isang baustimo na
dapat siyang tanggapin at siya’y nababagabag hangga’t hindi niya ito
natatanggap; “May isang bautismo pa na dapat kong tanggapin, at
nababagabag ako hangga’t hindi natutupad ito!” – Lucas 12:50.Kung
sasaliksikin natin ang Kasulatan, iisang bautismo lang ang tinanggap ni
Jesu-Cristo at ito ay Bautismo sa Tubig. Maitatanong natin sa ating sarili kung
ano kayang uri ng bautismo ang dapat pang tanggapin ni Jesu-Cristo. Kung
aalamin natin ang mga uri ng bautismo na naitala sa Kasulatan, hindi natin
masasabing Bautismo sa Tubig ang isa pang bautismo na dapat tanggapin ni Cristo
sapagkat ito’y tinanggap na niya sa pamamagitan ni Juan Bautista. Hindi rin
maaaring Bautismo sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo sapagkat
mismong si Cristo ang nag-utos nito sa kanyang mga apostol upang gawing alagad
niya ang mga tao. Ang panghuling bautismo na naitala sa Kasulatan ay ang
Bautismo sa Espiritu Santo at sa Apoy; at walang pag-aalinlangan na ito ang isa
pang bautismo na dapat tanggapin ni Jesu-Cristo na tinutukoy sa Lucas 12:50. Sa
madaling salita may isa pang tao na susuguin ang Diyos na magsasagawa ng
Bautismo sa Espiritu Santo at sa Apoy; na siyang ibabautismo kay Jesu-Cristo at
sa mga taong ililigtas ng Diyos.
Ayon pa kay Jesu-Cristo; siya ay may
susuguin na isa pang Patnubay na siyang magsasabi ng lahat ng gusto niyang
iparating sa atin; ito ay mababasa natin sa Juan 14:16 at ganito naman ang
pagkakasulat: “Dadalangin ako sa Ama at kayo’y bibigyan niya ng isa
pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman.” At
sa Juan 16:7-8 ay ganito naman ang pagkakasulat: “Ngunit dapat
ninyong malaman ang katotohanan: ang pag-alis ko’y para sa ikabubuti ninyo,
sapagkat hindi paparito sa inyo ang Patnubay kung hindi ako aalis. Ngunit kung
umalis ako, susuguin ko siya sa inyo. Pagdating niya ay kanyang patutunayan sa
mga tao sa sanlibutan na mali ang pagkakakilala nila sa kasalanan, at
ipakikilala niya kung ano ang matuwid at kung ano ang kahatulan.” Dagdag
pa sa Juan 16:12-13 ay ganito naman ang binabanggit; “Marami pa
akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Pagdating
ng Espiritu ng Katotohanan tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong
katotohanan, sapagkat magsasalita siya hindi sa ganang kanyang sarili.
Sasabihin niya sa inyo ang kanyang narinig at ipapahayag ang mga bagay na
darating.”
Sa madaling salita ang Patnubay na
susuguin ni Jesu-Cristo; ang tanging may karapatan na magbautismo sa
pamamagitan ng Espiritu Santo at Apoy. Ito ang bautismong dapat pang tanggapin
ni Jesu-Cristo. At ito rin ang bautismong dapat natin makamtan upang makamtan
natin ang limang tanda ng kapangyarihan at tunay na kaligtasan. Sa Lucas 12:32
ay ganito ang sinabi ni Jesu-Crito: “Huwag kayong matakot
munting kawan sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang
kaharian.” Kaya’t sikapin nating matagpuan ang munting kawan
na ito sapagkat dito natin matatagpuan ang kasagutan sa lahat ng ating mga
katanungan. At ang kaligtasan na ating hinahanap ay dito natin matatagpuan.